Ang Totoong Kulay Ng Buhay Ko
ANG TOTONG KULAY NG BUHAY KO
Madalas kakikitaan ako ng matamis na ngiti. Sa paningin ng marami, masaya ang buhay ko, perpekto at walang bahid ng kalungkutan. Pero masaya nga ba talaga ako? Ang totoo? H I N D I... Ang tunay na katauhan ko ay hindi gumaganap sa isang pantaserye na puno ng mahika o anu mang kapangyarihan. Kung tutuusin dapat ay magpasalamat ako sapagkat malaya akong nakakakilos ng ayon sa gusto ko. Maswerte akong nakukuha ang gusto ko. Pero kung mag-isa ka sa buhay ano nga ba ang saysay ng kalayaan at material na bagay? Marami namang taong nandyan para sa akin, maraming nagmamahal. Pero bakit buong buhay ko pakiramdam ko mag-isa lang ako? Hindi ko lang ba maramdaman ang pagmamahal na binibigay nila o sadyang wala talaga silang ipinaparamdam?
Minsan gusto ko ng sumigaw hanggang sa wala na akong boses na mailabas. Gusto ko ng sumabog para maihinga lahat ng sama ng loob ko. Gusto kong tumakbo ng tumakbo hanggang makaabot sa kawalan. Madalas gusto ko ng magalit...sa sarili ko dahil di ko maintindihan kung ano ba talaga ang gusto ko at kung bakit hindi ko maibigay ang pagkataong gusto ng nakakarami...sa nakapaligid sakin spagkat ang mga mata nila ay sensitibo lamang sa kamalian pero bulag sa mga tamang bagay...at sa hamon ng buhay dahil sa mga pagkakataong pilit na sumusubok sa aking pagkatao.
Sa paningin ng marami malakas ako, palaban at hindi susuko. Sa wari nila'y hindi ako pwedeng matinag. Pero sa aking pag-iisa, doon ko nararamdaman ang kahinaan na bumabalot sa aking pagkatao. Sa dilim mag-isa akong umiiyak, nagagalit, nagtatanong at naghahanap ng makakasama.
Siguro nga dapat mag-isa na lang akong humarap sa buhay. Kung hindi ko kayang intindihin ang sarili ko, sino pa kaya nag makakaintindi? WALA NA! Balang araw lahat sila ay susuko, lahat sila ay mag-sasawa at sa huli mag-isa akong magpapatuloy sa buhay.
Mag-isa na lang akong mangangarap. Mag-isang makikibaka sa mga pagsubok. Sa aking pagkadapa, mag-isang babangon dala ang pag-asang balang araw ay magtatagumpay din...magtatagumpay ngunit mag-isa pa rin.
Sa kabila ng lahat, may natitira pa rin akong konting pag-asa. Sabi nga ng marami "Ang mundo ay bilog." Ang nasa ibabaw pagdating ng panahon ay iilalim din at ang nagdurusa sa nalalapit na hinaharap ay giginhawa din. Sana lumipas din kung ano man ang aking nararamdaman. Sana isang umaga, pagmulat ko ng aking mga mata ay maramdaman ko na ang katahimikan na matagal ko na ding inaasamasam. Ang lungkot masuklian sana ng masasayang tawanan. Ang poot ay mapalitan sana ng pagpapatawad. At sa aking pangungulila, magkaroon sana ng makakasama.
Sana ang panahon ay makapaghilom ng mga sugatang damdamin. Ang mga pangako sana ay makapagbigay ng bagong buhay. At ang mga panalangin sana ay makatugon sa mga katanungang tila wala ng kasagutan...
0 comments